Sa isang emerhensya, ang ilang mga bahay, kalye, at kapitbahayan ay maaaring hindi ligtas para pamalagian at maaaring kailangan mong lumikas ng bahay nang madalian.
Kung pinalikas ang inyong kalye, saan ka pupunta? Ano ang dadalhin mo? Paano ang mga alagang hayop? May mga kapitbahay ka ba na maaaring mangailangan ng iyong tulong?
Maghanda ng grab bag para sa lahat sa iyong sambahayan. Dapat ay mayroon itong makakapal na damit, bote ng tubig, tsitsirya, mga kopya ng mahalagang mga dokumento, at ID na may larawan. Huwag kalimutan ang anumang mga gamot na maaari ninyong kailanganin. Ilagay ang iyong first aid kit, flashlight, radyo at mga baterya sa isang lugar kung saan masusunggaban mo ang mga ito nang madalian.
Alamin ang mga suplay na kailangan ninyo
Magpasya kung saan ka pupunta (at tiyaking alam ng lahat sa iyong sambahayan, sakaling hindi kayo lahat magkakasama). Ang iyong lugar sa paglikas ay malamang na kasama ang mga kaibigan o pamilya, kaya tiyaking alam nila ang iyong mga plano.
Kung ikaw ay nakatira sa isang sona ng paglikas sa tsunami, tiyaking ang lugar na paglilikasan mo ay nasa labas ng sona.
Hanapin ang inyong sona sa paglikas sa tsunami
Kung kailangan mong lisanin ang bahay, dalhin mo ang iyong mga alagang hayop. Kung hindi ligtas para sa iyo, hindi ligtas para sa kanila. Tiyaking ang lugar na paglilikasan mo ay tatangapin ang iyong mga alagang hayop. O magkaroon ng mga detalye ng contact para sa mga kennel, cattery at mga motel na tumatanggap ng alagang hayop.
Ang pag-unawa sa mga epekto ng isang emerhensya ay maaaring makatulong sa iyo na makaraos. Kausapin ang mga tao sa iyong sambahayan at alamin ang inyong gagawin sa mga sitwasyong ito.