Ang mga bagyo ay maaaring mangyari sa anumang panahon ng taon. Ang mga ito ay maaaring magdala ng malalakas na hangin, malakas na ulan o niyebe (snow), kulog, kidlat, buhawi at maalong karagatan. Alamin ang gagawin bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.
Ang Ministry for Ethnic Communities at ang National Emergency Management Agency ay nagtulungan upang lumikha ng seryeng ito ng mga video, para alam ng komunidad ang dapat gawin upang maghanda para sa iba't ibang mga sakuna at emerhensya, at paano tutugon kung mangyari ang mga ito.
Ipapaliwanag sa video na ito ang dapat gawin kung may bagyo.
Ihanda ang iyong propyedad sa malakas na hangin. Ang malakas na hangin ay maaaring mag-angat ng malalaki, mabibigat na mga bagay at isalpok ang mga ito sa mga bahay. Anumang madaling makalas ay maaaring maging pansalpok (projectile).
Regular na inspeksyunan at tabasin ang mga puno at palumpong (shrubbery). Ang malakas na hangin ay madalas nakakaputol ng mahihinang mga sanga ng puno at naitatapon sila nang sobrang tulin. Ang mga ito ay maaaring makapinsala at makasakit.
Regular na repasuhin ang iyong seguro. Mahalaga ang pagkakaroon ng seguro para sa iyong bahay at mga nilalaman upang tulungan ka kung mapinsalaan ka sa isang sakuna.
Hindi natin mahuhulaan ang mga sakuna, ngunit maaari nating paghandaan ang mga ito. Isa sa pinakamainam na mga lugar na mapagsisimulan ay ang iyong bahay. Alamin ang iyong magagawa upang gawing mas ligtas ang iyong bahay at bakit dapat mong tingnan nang regular ang iyong seguro.
Manatiling up to date sa mga taya ng panahon ng MetService.
Tukuyin ang mga suplay na maaaring kailanganin mo at magplano. Maghanda ng mga materyales at kagamitan upang kumpunihin ang mga bintana, gaya ng mga trapal (tarpaulin), pantapal na kahoy (board) at duct tape.
Tukuyin ang isang ligtas na lugar sa iyong bahay na mapagtitipunan sa oras ng bagyo. Ito ay dapat isang lugar na walang mga bintana, skylight, o salaming pintuan. Ang mga ito ay maaaring mabasag sa malakas na hangin o ulang may yelo (hail) at maaaring makapinsala o makasakit.
Alamin kung aling mga paddock ang ligtas kung mayroon kang livestock. Upang mahadlangan ang mga panganib mula sa kidlat, ilayo ang livestock sa:
Tandaan na ang bagyo ay maaaring magdulot ng baha at mga pagguho ng lupa. Tiyaking alam mo kung paano kikilos.
Itali ang iyong trampoline at iba pang mabibigat na mga bagay na nasa labas. Tanggalin ang anumang maaaring maging nakakapinsalang pansalpok (missile).
Maglista ng mga bagay na ipapasok sa loob o itatali kapag tinayang magkakaroon ng malakas na hangin. Ang listahan ay tutulong na matandaan mo ang anumang masisira o madadala ng hangin.
Gumawa ng plano sa online kasama ang iyong pamilya upang makaraos sa emerhensya. Isipin ang mga bagay na kailangan ninyo araw-araw at alamin ang gagawin kung wala kayo ng mga iyon.
Sa isang emerhensya, ikaw ay maaaring ma-istak sa bahay nang tatlong araw o mahigit pa. Ang iyong bahay ay puno na ng pang-emerhensyang mga bagay na kunwari ay mga pang-araw-araw na mga bagay. Alamin kung anong mga suplay ang iyong kailangan at magplano upang makaraos.
Ipasok sa loob o itali ang anumang maaaring masira o madala ng malakas na hangin. Kung mayroon kang trampoline, itaob ito upang bawasan ang ibabaw na bahaging nakalantad sa hangin.
Tanggalin ang anumang mga sukal o hiwa-hiwalay na mga bagay sa paligid ng iyong propyedad. Ang mga sanga at kahoy na panggatong ay maaaring maging pansalpok sa malalakas na hangin.
Ipasok sa loob ang mga alagang hayop. Sila ay maaaring maging di-panatag sa bagyo at mas nakakapagpanatag at mas ligtas kapag sila ay kasama mo.
Tingnan ang iyong mga kapitbahay at sinuman na maaaring mangailangan ng iyong tulong.
Manatili sa loob. Huwag maglakad sa labas. Huwag magmaneho maliban kung lubos na kailangan.
Isara ang mga pinto at bintana sa labas at loob. Isara ang mga kurtina at blind sa mga bintana. Maaaring mahadlangan nito ang pinsala mula sa lumilipad na salamin kung mababasag ang bintana.
Manatiling may kaalaman. Makinig sa radyo o sundan sa online ang Civil Defence Emergency Management Group. Sundin ang mga tagubilin ng civil defence at mga serbisyong pang-emerhensya.
Iwasan ang mga banyera sa banyo, mga gripo at lababo. Ang mga metal na tubo at nakainstalang mga tubo ay maaaring maka-kuryente kung matamaan ng kidlat. Gamitin ang tubig mula sa iyong mga pang-emerhensyang suplay.
Alisin sa suksukan ang mga maliit na kasangkapan (appliance) na maaaring maapektuhan ng mga pagbugso ng kuryente. Kung mamatayan ng kuryente, alisin sa suksukan ang mga malalaking kasangkapan. Mababawasan nito ang pagbugso ng kuryente at posibleng pinsala kapag naibalik na ang kuryente.
Sa isang snowstorm, maaaring mamatay ang pampainit, kuryente at serbisyo ng telepono. Maaaring magkaroon ka ng kakulangan ng mga suplay kung ang kondisyon ng bagyo ay magpapatuloy nang mahigit isang araw.
Kung ikaw ay nakatira sa isang pook na may panganib ng mga snowstorm, tiyaking mayroon kang mahigit sa isang klase ng paglikha ng kuryente at pagpapainit. Suriin ang mga suplay ng fuel para sa mga woodburner, gas heater, barbeque at generator.
Manatiling up to date sa pinakabagong impormasyon sa panahon mula sa MetService. Bigyang-pansin ang mga babala sa makapal na niyebe at mga babala sa pagbagsak ng snow sa kalsada. Iwasang lumabas ng bahay maliban kung lubos na kailangan kapag may naisyung babala ng pag-snow.
Kung kailangan mong maglakbay, tiyaking ikaw ay naghandang mabuti Magdala ng mga snow chain, sleeping bag, makakapal na kasuotan, at kailangang-kailangang mga bagay na pang-emerhensya.
Kung ikaw ay nasa iyong kotse o trak nang magka-snowstorm, manatili sa iyong sasakyan. Paandarin ang makina tuwing sampung minuto upang ikaw ay manatiling mainit. Uminom ng mga likido upang maiwasan ang sobrang kakulangan ng tubig sa katawan. Buksan nang bahagya ang bintana upang maiwasang malason ng cardon monoxide. Tiyaking madali kang makikita ng mga tagapagligtas. Magtali ng matingkad na tela sa antena ng iyong radyo o sa pinto at panatilihing bukas ang ilaw sa loob.
Ang mga buhawi ay nangyayari kung minsan sa oras ng mga thunderstorm (bagyong may kulog at kidlat) sa ilang mga bahagi ng New Zealand. Ang buhawi ay isang makitid, umiikot na kulumna (column) ng hangin. Ito ay lumalawit na pababa sa lupa mula sa puno ng isang thunderstorm.
Alamin ang pambabalang mga palatandaan ng mga buhawi:
Kung makakita ka ng korteng-imbudong buhawi sa malapit, magkanlong kaagad. Kung mayroon ka, magkanlong sa basement o sa isang kuwarto sa loob na walang mga bintana o pintuan sa labas sa ground floor. Pumunta sa ilalim ng matibay na muwebles at sukluban ang iyong sarili ng kutson o blangket.
Balaan ang iba, kung kaya mo.
Kung naabutan ka sa labas, lumayo sa mga puno kung kaya mo. Humiga nang patag sa isang kalapit na bangin, kanal o mababang lugar at protektahan ang iyong ulo.
Kung ikaw ay nasa kotse, kaagad bumaba at humanap ng ligtas na lugar upang magkanlong. Huwag tangkaing takasan ang buhawi o magtago sa ilalim ng iyong kotse para magkanlong.
Hanapin ang inyong lokal na Civil Defence Emergency Management (CDEM) Group.
Manatiling nakikinig sa radyo o sundan sa online ang inyong Civil Defence Emergency Management Group. Bibigyan ka nila ng impormasyon at mga tagubilin.
Suriin kung may pinsala at kumuha ng first aid (pangunang lunas) kung kailangan.
Tulungan ang iba kung kaya mo, lalo na ang mga taong maaaring mangailangan ng karagdagang tulong.
Kontakin ang inyong lokal na council kung ang iyong bahay o gusali ay matinding napinsalaan. Humiling sa inyong council ng payo kung paano ligtas na maglilinis ng mga sukal.
Manatiling alerto sa matagalang pag-ulan, pagbaha at mga peligro ng sukal, lalo na kapag nagmamaneho.
Ang MetService ay nagbibigay ng nakabase sa lupa na mga babala ng matinding panahon. Ang mga ito ay iniisyu sa pamamagitan ng isang sistema ng Outlooks, Watches at Warnings.
Ang mga Outlook ay nagbibigay ng ‘heads up’ (paunang-sabi) na may parating na masamang panahon sa susunod na 3–6 na araw ngunit wala pang katiyakan kung ano ang maaaring mangyari at saan. Manatiling alerto sa taya ng panahon at maging handa na ikaw ay maaaring maapektuhan.
Ang mga Watch ay ginagamit kapag posibleng magkaroon ng matinding panahon, ngunit hindi pa darating o tiyak. Kapag may umiiral na Watch, manatiling alerto at abangan ang inyong lokal na taya ng panahon para sa pinakabagong pagtataya.
Ang mga Orange warning ay ginagamit kapag ang masamang panahon ay tumutugon sa Panukat ng Matinding Panahon (Severe Weather Criteria). Ito ay maaaring malakas na ulan, malakas na hangin o makapal na snow.
Kapag may Orange Warning, maging handa at kumilos nang angkop dahil maaaring magambala ang iyong araw at magkaroon ng potensyal na panganib sa mga tao, hayop at propyedad. Ang karamihan sa mga babala na iniisyu ng MetService ay kulay-orange.
Ang mga Red warning ay ginagamit para sa mangyayaring sukdulang panahon na malamang na magkaroon ng malaking epekto at gambala. Maaaring ito ay para sa panahong tulad ng malakas na ulan, malakas na hangin o makapal na snow mula sa mga pagbagyo.
Kapag may Red Warning, kumilos na ngayon. Agarang aksyon ay kailangan upang protektahan ang mga tao, hayop at propyedad. Maging handang sundin ang payo ng opisyal na mga awtoridad at serbisyong pang-emerhensya.
Basahin ang kasalukuyang mga babala sa panahon sa website ng MetService.
Sa New Zealand, marami tayong mga likas na peligro. Alamin ang gagawin bago, sa oras at makaraan ang bawat uri ng emerhensya.